ANG BATANG TUKMOL,PAPALA-PALAKPAK!

Archive for September, 2009

nagtatampisaw ka sa kababawan ng aking puso
mga tawa’t ngiting hatid ng bawat pagbibiro
tag-araw na masaya ang minsang pagsuyo
kahit alam kong ikaw lamang ay naglalaro

naglalaro sa lalim ng mga gabing nag-iisa
nagtatakbuhan,naghahabulan tangi mong ala-ala
habang nananatiling panaginip pa rin kita
ay gigising ng paulit-ulit sa umagang wala ka

wala ka man,naroon sa piling ng ibang pag-ibig
ikaw pa rin ang lagi’t lagi kong bukang-bibig
tula’t tibok ng puso kong ‘di mo man naririnig
pangalan mo’y kanyang binibigkas,hinihimig

hinihimig ay pag-asa na walang katapusan
na baka balang araw ay muli mong balikan
ang lahat ng ala-ala nating iyong tinalikuran
pagka’t nagsawa ka sa munti kong kabaliwan

kabaliwang ibigin ang isang katulad mo
ngunit hindi maturuan ang puso kong ito
limutin ka mang pilit,diwa ko’y dumadako
sa landas ng puso mong tuluyang lumayo

lumayo sa akin ang mga halik mo at yakap
kasabay na naglaho ng pangako’t pangarap
parang nangyaring lahat sa iisang iglap
ang dati kong liwanag,nagsa-alitaptap!



Dearest Advan,
Naiinggit ako sa’yo.Sa kapayakan ng iyong pagkasapatos ay nakita mo ang silbi mo sa mundong ito.Hindi kita kasing gara,hindi kasing sikat ko pero nag uumapaw at buo ang iyong pagka-sapatos gayong ako’y nanatiling parang walang saysay at laging may kulang.Alam kong masama ang maging inggitero pero sinisiwalat ko lang ang damdamin ko sa pag liham sa’yo.Nawa’y mabigyan mo ako ng payo ng sa gayon ay magkaroon din ng direksiyon at saysay ang aking pagkasapatos.


Nagmamahal,
Chuck Taylor

Dear Chuck Taylor,
Bilang tugon sa iyong liham,ang tanging sagot ko ay simpleng puntos na maaari mong pagnilayan.Nagkakasilbi lang ang ating pagka sapatos kung natagpuan na natin ang ating kabiyak.Ito ang hindi lihim na katotohanan sa buhay natin na tinakdang may kapares.Hanapin mo ang takdang kabiyak mo at maglakbay kayo ng magkasama.Naway matagpuan mo sya sa takdang panahon.


Hangad ko ang kaligayahan mo,
Advan

Comments No Comments »

‘Everyday’s an endless stream of cigarettes and magazines…’
-Paul Simon

‘Nakakabagot ang tuwinang pangungulangot!’
-Dusing

Isang araw,habang bagot na bagot ako at walang ginagawa,naisipan ko na lang na pagurin ang bibig ko sa kangunguya sapagkat wala rin akong makausap ng matino.Pumunta ako sa malapit na tindahan upang bumili ng kornik.Eksakto,may dalawang piso akong nakapa sa aking bulsa.Dali-dali kong tinawid ang tindahan sa kabilang kalsada sa tapat ng bahay namin.Bumili ako ng dalawang supot ng kornik.Piso-isa,mga 25 piraso siguro ang laman ng isang supot.Bago pa ako tumawid pabalik,binuksan ko ang isa at tinaktak ang laman sa bibig ko.Tumawid ako habang nginunguya ang mga kornik.
Bubuksan ko na ang gate para pumasok ng may narinig akong sitsit sa likuran ko.

Psssst!Hoy!

Boses ng bata.Hindi ko pinansin.Tuloy ako sa pagbubukas ng gate.

Pssssst!Pengeng kornik!!!

Sino ba ang matakaw at pangahas na ‘to na gusto pa ng kornik?Nilingon ko ang tumatawag.Isang bata na pamilyar ang mukha pero ‘di ko kilala.

‘Lika,lumapit ka dito.’Utos ko sa kanya habang binubuksan na ang huling supot ng kornik na hawak ko.

‘Ilahad mo ang kamay mo at bibigyan kita’

‘Akin na lang yan lahat?’

‘Hindi pwede.Ilahad mo lang ang kamay mo!’Nakaramdam ako ng inis dahil sa kapangahasan niyang hingin ang natitirang kornik.

Lumapit at nilahad ng bata ang marumi niyang kamay sa harap ko.Unti-unti at maingat na tinaktak ko ang supot ng kornik sa kamay niya.Pa isa-isang pirasong nahulog ang butil ng kornik.

‘Tama na yan!‘Binawi ko ang pagta-taktak ng kornik.

‘Sampung butil?‘Tanong niya sa akin habang nakalahad pa rin ang kamay na may lamang sampung butil ng kornik.

‘Oo,hati tayo.‘Tugon ko sabay talikod para tuluyang buksan ang trangkahan ng gate.Malinaw kong narinig nang nginuya niya ang kornik.’Di na ko lumingon.

Pssssst,hoy!

Boses naman ng matanda.Pucha,mukhang eto yung nabasa ko sa horoscope ko kanina sa peryodiko.Capricorn-susukatin ngayong araw ang iyong pagtitimpi.Maging maingat sa ikikilos at sasabihin sapagkat bawat gagawin ay may magiging bunga.Nilingon ko ang tumatawag.Nakaramdam ako ng takot sapagkat hindi ko kilala ang matandang mukhang ermitanyong tumawag sa akin.

‘Ano po?’Magalang kong tanong habang ‘di pa rin nawawala ang kaba sa dibdib ko.

Unti-unting lumapit ang matanda.”Huwag kang lalapit!Huwag kang lalapit!!!”Sigaw ng utak ko.

‘Bibigyan kita ng sampung kahilingan dahil sa sampung butil ng kornik na ibinigay mo sa akin!‘May kung anong kapangyarihan ang boses ng matanda na parang umaali-alingawngaw katulad ng napapanood ko sa mga pelikulang may mga ganitong eksena.Ganun pa man,may kung anong kapangyarihan ang boses nya na nagbalik ng hinahon sa takot na una kong naramdaman.

‘Talaga po?Kayo rin yung bata kanina na binigyan ko ng kornik?‘Gusto kong isiping Wow Mali ito o Yari ka subalit may kung anong liwanag ang bumabalot sa matanda at talagang may echo ang boses nya!

‘Oo,subalit kailangang lahat ng iyong hihilingin ay walang masamang idudulot sa iyong kapwa at lahat ng ito ay tutuparin ko ng sabay sabay kung mapapatunayan kong busilak ang puso mo ayon sa iyong mga kahilingan.’

‘Opo,mabuti po akong tao at kay tagal ko na ring hinihintay ang ganitong pagkakataon!‘Tugon ko na may halong excitement sapagkat kombinsido akong totoo ang lahat ng nangyayari ngayon sa harapan ko.

‘Subalit hihilingin mo ang lahat sa loob ng isang minuto.Pagkatapos ng isang minuto,kailangan ay nakumpleto mo na ang sampung kahilingan mo at lahat ng iyon ay aking tutuparin kung iyon ay mabuti lahat ang intensiyon at walang halong kasakiman!’Dagdag ng kanyang makapangyarihang boses.

‘Papano po kung kulang?’

‘Hindi pwede…hindi matutupad.Sampung kahilingan sa isang minuto.Isang kahilingang masama ang intensiyon,hindi matutupad ang alin man sa sampu.Kung kulang sa sampu ay hindi rin matutupad!’

‘Pero napakabilis po yata ng isang minuto para sa sampung kahilingan?’

‘Kung sadyang dalisay ang puso mo,punong-puno ito ng mabubuting bagay na pwede mong hilingin!Simula na nang oras!Humiling ka na!’Makapangyarihang tinig nang pag uutos ang tono ng kanyang boses.Pinikit ko ang aking mga mata upang hugutin ang sampung kahilingan.

‘Pagalingin po ninyo ang lahat ng batang may sakit!‘Unang kahilingan ko.

‘Bigyan nyo po ng sariling lupa ang mga magsasakang walang sariling lupa at paunlarin ang buhay ng mga manggagawang pinahihirapan ng mga kapitalista!’Pangalawa kong hiling.

‘Tumigil na sana ang lahat ng digmaan sa lahat ng dako ng mundo!‘Pangatlo kong hiling.

‘Maging malaya ang mga nasa piitan dahil sa mga maling bintang!’Ika-apat na hiling ko.

‘Gawin ninyong matapat ang lahat ng pinuno sa buong mundo at gampanan nila ang kanilang tungkulin ng walang sariling interes!’Ika-limang hiling ko.

‘Wala ka pang hinihingi na para sa sarili mo…may tatlumpung segundo ka pa at limang natitirang kahilingan!’Singit ng ermitanyo sa makapangyarihang tinig.Nanatili akong nakapikit.

‘Gawin nyo akong mayaman na mayaman para marami akong matulungan!’Ika-anim.

‘Gusto kong magkaroon ng kapangyarihan na makalipad para makarating sa mga lugar na di ko pa napupuntahan!’ika-pito kong hiling.

‘Gusto ko ng talento sa pagsasayaw dahil hindi ako marunong magsayaw!’Ika-walo.

‘Nais kong makasama simula ngayon habang buhay ang babaeng pinakamamahal ko at alam kong alam mo kung sino sya!’Ika-siyam ko yung hiling.

‘Oo,kilala ko sya.Siya si…teka!Apat na segundo na lang ang nalalabi at isang kahilingan na lang…’Tugon at paalala ng  makapangyarihang tinig ng matandang ermitanyo.

Nakapikit pa rin ako.Kulang apat na segundo at isang kahilingan o hindi matutupad ang alin man sa mga nauna kong hiniling.Kailangang pakinggan ko ang laman ng puso ko at iyon ang aking hihilingin.

‘ISUKA MO YUNG HININGI MONG KORNIK!!!’

Dinilat ko ang mga mata ko.Wala na ang matanda at wala ni isa sa sampung kahilingan ko ang nagkatotoo.

Shit!Kaya mahirap mamigay ng higit sa tatlong butil ng kornik sa isip-isip ko habang papasok ng gate.

Badtrip!

Tinaktak ko ang natirang kornik sa bibig ko.Binasa ko ang supot ng kornik pagkatapos.Tita Corny Kornik.Ang corny naman!Bwisit!

Comments No Comments »

Hindi ako mahilig sa inuman pero marami akong alam sa alak na hindi alam ng karamihan na mas sugapa pa sa akin…yan ngayon ang iku-kwento ko.Tungkol sa alak at paglalasing kaya kung nandito ka na sa mesa,huwag ka nang tumayo at sisimulan ko na…

‘Di nawawala sa inuman ang mga bintangero…’Lasing ka na ‘no?’ Yan ang kadalasang bintang na ibibintang sa’yo ng katabi mo kapag bigla kang tumahimik o magulo ka na o maingay o basta nag iba na ang kilos mo sa normal bago ka pa naka-inom.Pero ano nga ba ang lasing at eksaktong pagkalasing?Mahirap sabihin pero may pagkakasunod sunod ang pagkalasing.’Tagay ka muna!’

Stage 1:Namatay ang brain cell mo ng lungkot.
Oo,ito ang unang stage ng pagkalasing.Nagsisimula ka nang tumawa at ngumiti sa kahit anong shit na kwento ng mga kainuman mo.

Stage 2:Namatay ang brain cell mo ng katahimikan.Nagku-kwento ka na rin ng kung ano-anong shit at nang aagaw ka na ng mic.Nagsisimula ka nang sabihin ang mga hindi mo masabi dati kapag hindi ka pa lasing.Panay ang puri mo sa mga kasamahan mo sa inuman lalo sa mga matagal mo nang kakilala.

Stage 3:Namatay ang braincell mo ng pagkukunwari.Yung mga puri mo kanina sa mga kasama mo,medyo bumabaligtad na sa stage na ‘to.Dito ka na nagsasabi ng mga hinanakit sa kanila at sama ng loob.Minumura mo na rin sila dahil yun ang totoong gusto mong gawin matagal na.Nyahaha!!!Kundi naman,totoong kwento na ang pinag sasasabi mo.Totoong kwento,totoong shit.

Stage 4:Namatay ang brain cell mo ng memorya.Sa lahat at lahat ng stage,ito ang pinakamahirap marating.Laksa laksang alak ang kailangan dito.Walang humpay at walang tigil na pag iinom.Gusto mo nang kalimutan ang lahat pero parang kulang lagi ang alak sa tindahan.Ito ang stage na pilit inaabot ng mga may malalaking problema.Obserbahan mo,totoo sinasabi ko!Kaya may mga taong araw araw umiinom.At marami tayong memorya minsan na gustong patayin pero minsan,sadyang sila ang mga memoryang pinakamatatag lumaban sa alak.Di basta basta namamatay.

Stage 5:Namatay na lahat ng brain cell mo.Ito ang stage na hindi ka na nag-iinom kundi kami na lang ang nag-iinom sapagkat…gustuhin mo man,isa ka nang ganap na stock ng fertilizer na inaabangan ng mga halaman.Patay ka na and what a fuckin’ way to die kapag sa alak ka namatay!!!

Ok,yan ang limang stages ng pagkalasing so ang tanong dapat sa kainuman mo ay hindi kung lasing na ba sya kundi anung stage na ba sya.Pero sa kabilang banda,bakit mo pa itatanong kung alam mo na rin naman batay sa kilos nya kung anong stage na sya.Yun e,kung binasa mo ‘to.Nyahaha!!!

‘PUTA!!!May mga stage ka pang nalalaman,TAGAY MO NA!!!’
‘TANG-INA!Kaiinom ko lang ah?!’
‘LINTIK!Pop Cola na lang iniinom natin,ayaw mo pang tagayin!’
‘Sabi sa’yo mahina ako sa inuman eh!’

Comments 2 Comments »