ANG BATANG TUKMOL,PAPALA-PALAKPAK!

Archive for June 6th, 2009

Kapag humulagpos ang isang bagay mula sa iyong pagkakahawak, nagiging malaya sila o kung hindi ay nababasag sa paanan ng daigdig. Maraming magsasabi na hindi ka naging maingat,na hindi mo iginiit ang kakayahan mong ariin ang isang pagkakataon.Kadalasan,walang alam ang lahat maliban sa iyong sarili kung gaano ang naging sakripisyo ng ating pagkatao para tayo ay magkaroon ng lakas ng loob na magpalaya…

Hindi para sa maramot ang pagpapalaya.

Sadyang may mga ibong makukulay ang pakpak.Hindi sila nababagay sa mga ginintuang kulungan ng ating puso.Nilikha silang kaulayaw nang amihan,nang habagat at matatayog na papawirin.Sadyang hindi para sa makasariling damdamin.Sadyang malaya.At habang minamasdan natin silang papalayo,may sayang bumabalot sa kalahati ng ating pagkataong naging maramot na nag-nais na sila ay ikulong,at may lungkot ang kalahati na nagnais silang gawing malaya. Maiiwan tayong tulad ng isang basong may kalahating laman. Nasa pagitan ng pagkasaid.Nasa pagitan ng kahandaang mapunan ang kulang sa atin.

Magpapatuloy ang araw at gabi nang hindi naghihintay.

At maiiwang muli ang mga ala-ala.

At ang muli’t muling panghihinayang.

At pag-asa nang pagsisimula muli.

At pagsasakripisyo kung kailangang muling magpalaya…

Comments 6 Comments »