ANG BATANG TUKMOL,PAPALA-PALAKPAK!

Archive for March, 2008

Sumusulat din ako ng maga tula,kung bibigyan mo ako ng pagkakataon,
gusto kong mas makilala mo ako sa paraang ito.Hindi ako makata na tulad ng iniisip mo,isa lang ako sa katulad mong may damdaming nagmamahal.Ito ang tanging paraan na aking nauunawaan upang mapalapit sa’yo.Kung matabang man ang mga salita’ t haraya sa iyong panlasa,ikaw na ang bahalang magdagdag ng tamis sa iyong pang-unawa.

SA KARIMLAN…

ginising mo ako’t nagmulat ng mata
upang ang dilim ay aking makita
nang masanay ako,ang hugis ng karimlan
ay hugis na anyo na ayaw kong titigan

akong nanabik sa tunay na liwanag
ay kaluluwa ngayong sa gabi ay lagalag
ni hindi mamasdan landas na naglatag
tanging naririnig paa kong yumayabag

paroon at paritong walang tinutunton
bilangguan kong ito,y balon ng panahon
walang nagnanais silipin o tabunan
nabihag nga ako sa kailaliman

sa pagkamuhi ko sa aking sinapit
ay may aral akong natutunang higit
sa isang sulok ng mundo kung impit kang iiyak
ay aalingawngaw na parang halakhak!

PAGLAYA’T PAGBABALIK

napigtas na dahon ang aking buhay
sa nanunudyong hangin ay sasabay-sabay
kakatwang maligaya sa pagkakawalay
sa sanga ng puno na kakaway-kaway

ngayon ngang malayang padparin saan man
sa dalisdis ng burol maging sa kapatagan
narito ako,daigdig!-isang manlalakbay
buksan ang pintuan mo’t sa aki’y magpugay!

sariwa’t may hamog dala ng magdamag
sa halik ng amihan ay biglang napapitlag
lumipad akong muli’t saan man mapadpad
ay may tuklas na ligayang laging tumatambad!

sa init ng araw na lalong tumingkad
kulay kong luntian ay kusang nahubad
humihiyaw sa tuwang naligo sa talon
sumabay sa agos niya’t agos ng panahon

sa tulak ng alon ako ay umahon
aba’t ang balat ko’y kayumanggi na ngayon!
tuyo na’t marupok,kay daling sugatan
katumbas ng laya ko’y aking kasawian

sa  hanging umi-ihip ay muling sumabay
doon sa lilim n’ya nais kong humimlay
humalik sa ugat niya’t sarili ay ialay
suwail na nagbalik,nagtalbos sa tangkay!

Comments 2 Comments »

Tama ka.Nagsasayang ka nga ng oras mo.Hindi mo pa ito na-iisip sa

ngayon pero tiyak kong maiisip mo rin ito maya-maya.Subalit makinig

kang mabuti—hindi masama ang iyong ginagawa!Ang pagbabasa ay isa sa

pinakamabisang paraan sa pagtatamo ng dagdag na karunungan.Ngunit

mag-ingat ka!Hindi lahat ng nababasa’y nakakatulong sa iyong

pagka-tao.May mga mababasa kang labag sa kinagisnan mong mga paniniwala

o sumasalungat sa pinaka-iingatan mong prinsipyo.Kung nasa harapan mo

ang ganitong mga babasahin,umiwas ka.Ngunit sasabihin ko rin sa iyo na

hindi ito ang pinaka mabuting paraan upang hindi masagi ang iyong

prinsipyo’t paniniwala.Kung sa iyong binasa’y naging komplikado ang

iyong mga dating prinsipyo’t paniniwala,ituloy mo ang pagbabasa.Hanapin

mo kung saan ka dadalhin ng mga kataga at salita.Mas mabuti kung hindi

mababasag ng mensahe ng awtor ang kung anumang mga tama sa’yo.Sa

ganitong pagkakataon,masasabi mong higit ang kaalaman mo sa paksa ng

awtor.Karapatan mong piliin ang tama sa paksa at responsibilidad ring

itama ang mali.Halimbawa,umi-iha ka sa gilid ng pader ng makita mo ang

headline dito na ganito-”GLORIA RESIGN!!!”Karapatan mong itama ang

awtor sa pagsagot sa vandals ng iyong komento.Kahit ano sa tingin mong

tama sa sarili mong pananaw.”ICE$ICE-TUBIG FOR SALE”Mali ito kung

kaya’t maari kang mag lagay ng komento.Ngayon,kung tatanungin mo ako

kung ano ang mali sa salitang “GLORIA RESIGN” at “ICE$ICE-TUBIG FOR

SALE”,yan ang hindi ko alam dahil hindi ako ang nagsulat

nyan.”PAANAKAN-PAINLESS”.Sa unang tingin,tama naman.Tatanungin mo gayon

kung ano ang mali dito.Sa paksang ito,kaya kong sagutin kung ano ang

mali.Sa panganganak,hindi lang ang babaeng manganganak ang sangkot.
Posibleng painless nga sa manganganak pero painful naman sa

bata.(Tandaan:Ang ina lang ang sinasaksakan ng anestisia at pampatulog

sa paraang ito,hindi ang sanggol at bulsa ng ama)Sa mga ganitong

sulat,babasahin at karatula,hindi mo man makilala ang awtor ay masasabi

mong nariyan lang siya sa tabi-tabi at naghihintay sa iyong

komento.Ipagtanggol mo ang sasabihin sa iyong komento kung may

kukuwestiyon dito.Sa ngayon,yan lang muna ang masasabi ko.Salamat sa

oras mong sinayang sa pitak na ito.

Comments 1 Comment »

SALAMAT,NAGING INTERESADO KA…

PARA SA MGA MAHILIG SA PAGBABASA…

HINDI MAN TUWIRANG NAPADPAD KA SA BAHAGING ITO NG INTERNET,TUWIRAN NAMANG INAANYAYAHAN KITANG MAKISALO SA SIMPLENG PUTAHENG INIHANDA KO PARA SA’YO…

ANG SCRAMMBLED EGG…

MULA SA NABIYAK KONG KUKOTE,ISINALIN SA MAINIT NA PANANAW NG MGA MAMBABASA,PINAGHALO-HALONG PANGYAYARI AT KARANASAN MULA SA PUTI AT PULA NG BUHAY, INASNAN NG INSPIRASYON AT INIHAHANDOG SA PANLASA NG MGA PILING KAIBIGAN…

KATULAD NG BUHAY NINUMAN,BAHAGI NG ISANG SCRAMMBLED EGG NA SANDAIGDIGAN…MAGIGING KABAHAGI KA LAMANG KUNG BIBIYAKIN MO’T ILALAHOK ANG PUTI’T PULA NG IYONG BUHAY…KUNG HANDA KA NANG IBAHAGI SA IBA ANG NAKATAGONG IKAW SA LOOB NG PINAGKUKUBLIHANG BALAT NG ITLOG…

Comments 1 Comment »