ANG BATANG TUKMOL,PAPALA-PALAKPAK!

wala akong windang na kwento sa mga nakaraang walang kwentang araw ko.
sadyang walang kwenta talaga kaya naisipan ko na lang na gumawa ng windang na entry sa windang kong blog sa pamamagitan ng windang na drawing sa ibaba…

pero makapangyarihan ang windang na drawing na yan kase kapag ki-nlick mo yang larawang yan,kaya ka nyang tulungan sa mga bagay na gusto mong malaman….

Comments 2 Comments »

Sa aking ulap…

ang tahanan ng tula,ang kanlungan ng panaginip at musika ng pag-ibig na ibinubulong sa hangin…

pagtawanan mo na lamang ang kakayahang kong di-ipahayag ang tunay kong damdamin…

Comments 2 Comments »

Kapag humulagpos ang isang bagay mula sa iyong pagkakahawak, nagiging malaya sila o kung hindi ay nababasag sa paanan ng daigdig. Maraming magsasabi na hindi ka naging maingat,na hindi mo iginiit ang kakayahan mong ariin ang isang pagkakataon.Kadalasan,walang alam ang lahat maliban sa iyong sarili kung gaano ang naging sakripisyo ng ating pagkatao para tayo ay magkaroon ng lakas ng loob na magpalaya…

Hindi para sa maramot ang pagpapalaya.

Sadyang may mga ibong makukulay ang pakpak.Hindi sila nababagay sa mga ginintuang kulungan ng ating puso.Nilikha silang kaulayaw nang amihan,nang habagat at matatayog na papawirin.Sadyang hindi para sa makasariling damdamin.Sadyang malaya.At habang minamasdan natin silang papalayo,may sayang bumabalot sa kalahati ng ating pagkataong naging maramot na nag-nais na sila ay ikulong,at may lungkot ang kalahati na nagnais silang gawing malaya. Maiiwan tayong tulad ng isang basong may kalahating laman. Nasa pagitan ng pagkasaid.Nasa pagitan ng kahandaang mapunan ang kulang sa atin.

Magpapatuloy ang araw at gabi nang hindi naghihintay.

At maiiwang muli ang mga ala-ala.

At ang muli’t muling panghihinayang.

At pag-asa nang pagsisimula muli.

At pagsasakripisyo kung kailangang muling magpalaya…

Comments 6 Comments »

Ito’y isang lumang liham pag-ibig nang pusong nakikibaka para sa kalayaan ng bayan habang may sariling digmaang kinakabaka sa kanyang dibdib ukol sa pagkakawalay sa kanyang iniibig.Bagamat ito’y pakiki-alam sa pribadong sulat ni Ponce kay Gorgonia,wala na tayong paki-alam sapagkat matagal na silang naging multi-vitamins and minerals sa ilalim ng lupa.Halina’t sariwain ang kanilang kabaduyan….Read on!!!


Liham Ni Ponce

Comments 2 Comments »

“ANG KABATAAN ANG PAG-ASA NG BAYAN”-DR. JOSE P. RIZAL

Sino sila?

A. Sila ang papasikat na boybands na ”Dead Sperm Revival”

B. Sila ay member ng ”Estong Tutong Gang”

C. Sila ang nawawalang barkada ni ”Beavis and Butthead”

D. Sila ay napag tripan ko lamang at lihim na hinangaan…

”Very artistic ang pagkakakuha ng picture…”
-Mang Basilio;Award Winning Photographer

”Mahihiya panigurado ang posing ng BIOMAN,MASKMAN at POWER RANGERS sa mga ungas na ‘to!!!”

-Shaider;Pulis Pangkalawakan

”Ang tagal ko nang nag-a-adik pero wala nang mas tatalo pa sa trip ng mga ‘to kesa sa mga trip na ginawa ko at ng mga tropa kong adik!!!Ang babagsik nyo,men!!!”

-Anonymous;(name withheld for safety reason)

”Ito ang resulta ng kakulangan ng Vit. C,sobrang monosodium glutamate,high dosage ng melamine,cough syrup at rugby na mga pangunahing sangkap sa binebentang nutri-bun(registered trade mark) sa mga pampublikong iskwelahan!”

-Aling Iska;Nutritionist ng Day Care Center

”Mag bukseng na lang kayo,mga bwiset!!!”

-Aling Dionisia,mother turned actress of Money Pakyaw

ANG KABATAAN ANG PAG-ASA NG BAYAN…PUTANG-INA!!!WALA AKONG SINASABING GANYAN!!!”

-kaluluwa ni DR. JOSE P. RIZAL

Comments 2 Comments »

-EHEM!-

PAALALA:ITO AY KWENTO NG PAGSISISI AT PANGHIHINAYANG,KAYA SANA BASAHIN MO KESA PANGHINAYANGAN MO NA HINDI ITO BINASA SA BANDANG HULI…HE HE!

Image Hosted by ImageShack.us

May cake na nakahain sa mesa mo.Maganda ang design,katakam takam sa tingin pa lang.Gusto mo ang message na nakalagay-’I LOVE YOU!’.Lalo itong nagpasaya sa puso mo.Bihira ang pagkakataon na may dumarating na cake na hindi ikaw ang bumili.Binigay sa iyo ng walang pag aalinlangan,buong-buo.Nanlaki ng konti ang iyong mata sa tuwa.Akin ba talaga ‘to?Tinikman mo ang icing,marahan kang nagpaikot ikot sa mesa para sipatin ang cake na alam mong gustong gusto mo sa una palang na tinanggal mo ang takip ng cake box.Paikot-ikot,pasipat sipat sa paghanga…pero ano ang iyong nakita…may LANGAW!!!may langaw ang cake!!!Ayoko na nito,nasabi mo sa inis dahil sa langaw na nakita mo!!!Tumakbo ka papalayo sa mesa at nagkulong sa kwarto.Nakalimutan mong mag thank you sa nagbigay ng cake.Bakit naman ganun ang binigay nya?tanong mo sa sarili mo.Natulog ka sa sobrang inis at lungkot.Pag gising mo naalala mo ulit ang cake.Mas naalala mo ang magagandang bagay na nakita mong una sa cake.Ang masarap na icing,ang nakalagay na message,ang nagbigay.Paglabas mo,wala na ang cake.Wala na ang nagbigay.Dahil sa maliit na langaw,nawala ang cake.Isang araw pa ang lumipas,nakita mo na iba na ang nag mamay ari ng cake na dapat pala naging sayo.Nanghinayang ka na lang…

Araw araw pag gising mo sa umaga,hinihintay ka ng mainit na kape sa mesa.Dating walang nagtitimpla nito at ikaw lamang ang nagtitimpla para sa sarili mo.Dahil lagi kang nagmamadali sa pagpasok,hindi na mahalaga sa iyo ang lasa ng kape.Katwiran mo basta masayaran ng init ang sikmura mo,at dahil ikaw naman ang nagtimpla,ok na.Naging mas masarap ang kape nung ipinag titimpla ka na nya.Lagi lagi kang gumigising na naroon ang mainit at masarap na tasa ng kape.Hanggang minsan,nagbago ang iyong panlasa.Hindi mo itinanong kung nagbago ba ang timpla nya.Hindi ka kumibo kahit alam mong matabang ang kape.Sa simula,iniiwan mo itong hindi ubos.Matabang,kulang sa tamis!bulong mo sa isip mo.Pero hindi ka kumibo.Tuluyan ka nang nawalan ng gana sa lasa ng kape.Iniiwan mo na itong hindi nagalaw.Isang araw,pag gising mo,wala na ang kape.Nagtimpla ka dahil katwiran mo dati namang ikaw ang gumagawa nun.Hindi mo maiwasang ikumpara ang lasa ng timpla mo ngayon sa lasa nung sya pa ang nagtitimpla.Kahit anong dami ngayon ng asukal na ilagay mo,kulang pa rin sa tamis.Nanghinayang ka na lang…

Isang malaking salamin ang kaligayahan.Binasag ito sa mumunting piraso at ikinalat sa lahat ng sulok ng mundo para hanapin ng tao.May maliliit na piraso at may malalaki subalit lahat ito ay ginawa sa sukat na maaaring magkasya sa ating mga palad.Upang matawag nating atin,upang mahawakan.Ang hahawak nito ng sobra ay masusugatan sa kamay.Ang magpipilit na magpuno ng kamay ay masusugatan din o kung hindi ay maihuhulog nya ang ibang piraso at ito ay mas mababasag pa sa mas maliit na piraso.Nakita mo minsan ang mga pirasong nais mo.Ikinulong mo ito sa iyong palad at labis kang natuwa.May nakita pang muli at dinampot mo.Katulad din halos ito ng pirasong hawak mo na.Hindi kasya at kailanagn mong bitiwan ang isa.Naging maramot ka.Ayaw mong mapunta sa iba ang dalawang piraso.Hinigpitan mo ang hawak sa salamin.Naramdaman mong nasusugatan ang palad mo.Pinilit mo pa rin hanggang tuluyan mong nabitiwan pareho.Ayaw mo pero sugatan ang palad mo.Wala kang magagawa.Matagal pa bago ka muling makakahawak ng piraso na gaya ng mga natagpuan mo dati at nahawakan.Dinampot sila ng iba subalit wala kang magawa.May sugat ang kamay mo at kailangan ng mga pirasong iyon ng taong magpapahalaga sa kanila.Nanghinayang ka na lang…

Comments 5 Comments »

Image Hosted by ImageShack.us

‘Di ko alam kung anong pumasok sa isip ko ngayong araw at naisipan ko na namang magta type sa keyboard…’nagsusulat’ na naman yata ako o ‘nag susubok na magsulat’…struggling ‘ika nga…

Kapag pala wala kang ginagawa…marami kang maiisipang gawin.Gagawa ka at gagawa ng paraan para may paglaanan ng oras pero kapag gagawin mo na ang naisipan mong gawin,tatamarin ka na naman.At iikot lang ng iikot ang oras mo sa pagitan ng pag iisip ng gagawin at pag iwas sa naisipang gawin.Yan…so far,diyan ko nauubos ang oras ko.Ang galing ‘di po ba?

Pero dahil nga disoriented lagi ang mga entry ko sa blog,hindi yan ang pag uusapan natin,kundi ang nabili kong bonsai at ang kwento ng aming adventure… (pati bonsai pinagtripan!)

Ka-ching!Extrang pera…350 pesos to be exact!Ito ang natira matapos kong awasin sa utak ko ang lahat ng babayarang bills at pagkakagastusan sa buong kinsenas kasama na ang 25% pasobrang budget para sa extrang di ko natuos o posible kong nakalimutan.Nakaharap ako ngayon sa tindahan ng bonsai sa Tagaytay.Bagamat maraming magkakatabi na magagagandang halaman sa paligid,nakatutok lang ang mata ko sa munting pasong halos pabilog ang sukat.Maliit na di hamak sa malaki kong ulo pero may ‘green’ ding nasa ibabaw nito(parang laman ng ulo ko,he he!)

Marahan ko syang dinampot.’Di ko sigurado kung nakita ng nagbabantay na babae yung kislap sa mata ko.Sa wakas!Ang pangarap kong bonsai!Ang punong pwede kong ilagay sa loob ng kwarto ko at di ko na kailangan pang lumabas para makakita ng puno.Ito na…ang katuparan ng…”Sir,kukuhanin n’yo yan?500 lang po…”boses ng tindera ang bumasag sa paglalakbay ng isip ko kapiling ang bonsai.”500?!miss ang mahal naman ng puno nyo ng kamatis?”Ngumiti ang tindera.Narinig kong bumunghalit ng tawa sa likod ko ang dalawa ko pang kaibigan na mahilig magpahangin sa Tagaytay.Sila ang nagyaya sa akin dito.Utang ko sa kanila kung bakit nakita ko ang pangarap kong bonsai.

“Sir,bonsai na blah blah blah ho iyan,di kamatis!”May inis at may yabang ang sagot ng babae.(Di ko na maide-describe sa’yo ang itsura ng babae sa ngayon kase concentrated ang utak ko noon sa bonsai!)Ang totoo,hindi naman blah blah blah ang sinabi nya kundi pangalan ng halaman o puno,pangalan ng asawa nya siguro o scientific name ng bonsai na hawak ko,kasama ng scientific name ng paso,at ng lupa…at..ahhh,basta!Hindi ko naintindihan ang sagot nya sa patawa ko.”Biro lang miss…maganda sana kaso mahal!”Sinisiko ko ang kasamahan ko dahil specialty nya ang pagtawad.Huggling…dyan sya dalubhasa.Baratan.”Miss,bigay mo na lang yan ng 300…tutal hapon na…”Nakipagtawaran sya sa babae. “400 sir,last price…”Nakisabat na ako…”350 miss,utang ko yung singkwenta.Lagi naman akong nadaan dito eh!” “Bakit sir,taga saan ba kayo?”Pwede kong sabihin na taga Mendez ako o taga Batanggas pero ‘di ako sanay magsinungaling kaya sinabi ko sa kanya ang totoo…”GMA miss,pero dito kami lagi natambay eh!,namamasyal at sightseeing…maganda kasi saka…” “Pinutol na nya ang mga sasabihin ko…”kunin nyo na sir,daan nyo na lang ulit yung kulang…”In your dreams…sa isip isip ko pero ngumiti ako ng abot tenga.Sana lang ‘di nya nakita yung malademonyong ngiti ko.Binalot sa plastik.Nag request akong doblehin nya ang plastik,agad naman nyang ginawa.Inabot ko ang bayad.Deal done.Pag aari ko na ang pangarap kong bonsai at wala nang makapag hihiwalay sa amin.

Abot langit ang ligaya ko habang naglalakad papuntang motorsiklo.Pauwi na kami at na excite ako na umuwi upang mailagak ko na ang bonsai sa kwarto na magiging bago niyang tahanan.Maingat ako sa pagmamaneho.Dahan dahan at lagi kong sinisipat ang ilalim ng plastik ng bonsai.”Huwag kang lulusot.”Bulong ko sa bonsai.Nasa Pala Pala na kami at nagyayang kumain ang isa kong kasama.”KFC tayo…”Hindi na ako tumanggi sapagkat nagugutom na rin ako.Pumasok kami ng Robinson’s at bitbit ko pa rin ang bonsai.’Di ko pwedeng iwaglit sa paningin ko ang bonsai.Masyado syang maganda at kahit santo ay magkaka interes na kunin ang aking bonsai.’Order nyo ko…single,spicy…extra rice!’derecho ako sa mesang bakante.Siksikan dahil halus 6pm na at nakain na ang mga tao.Marahil bago umuwi.Saka payday…karapatan nilang mag KFC!

Nakatitig ako sa bonsai.Iniisip kong nakatingin din sya sa akin.Napakaganda.Ang pasong namimilog…na nilulumot lumot pa,ang mismong bonsai na may luntiang dahon.Naputol ang concentration ko ng narinig kong tumunog ang cellphone ko at dali dali ko syang kinapa.Tumatawag si boss…maingay kaya kailangan kong tumayo lumakad at sumulok sa pwestong di kaingayan.Naka salubong ko ang kasama kong may dalang tray ng order namin at sinenyasan ko syang tatanggapin ko lang ang tawag…

Ka-brassshhh!!!!!!!Iyon ang narinig ko mula sa aking likuran!Tumalon ang puso ko…sana yun ang tray ng aming pagkain…sana yun ay ang ulo ng batang nasa hi-chair…sana yun ang bungo ng matandang nasa tabi ng mesa namin…kaso tunog iyon ng paso!!!’Di ako maaaring magkamali dahil expert ako at champion sa hampasang palayok!Oh hinde!!!Nilingon ko ang pinanggalingan ng ingay.Nasa lapag ang basag basag na paso ng bonsai.Hawak ng kasama ko ang tray.Gumulong ang bilog na paso ng iurong nya ng tray habang nilalapag ang pagkain.Parang nakita ko na ang eksena kung ano ang nangyari.’Di ko na sinagot ang tawag.Pucha!!!Ang aking bonsai…ang pangarap kong bonsai…Sabog ang lupa at kusot at basag na paso at ang bonsai na naglabasan ang ugat.

Nagsalimbayan ang tanong sa isip ko…”Bakit may tangang tao?Bakit kailangan kong maging kaibigan ang tangang tao?Bakit walang tatak ang tanga sa noo para sa gayun ay maiwasan mo sya bago kayo maging close?Anong vitamins ang kulang sa tangang tao?Magiging tanga rin kaya ang uod na kakain sa kanya kapag pinatay ko sya ngayon?Bakit…”Tol,nahulog…he he!”Bumalik ang diwa ko sa kasalukuyang pangyayari.”Gumulong,pabilog kasi eh!…”Hindi gumagalaw ang labi ko pero parang sinabi ko na rin ang gusto kong sabihin sa loob ng bibig ko.”Putang ina mo…tanga!”

Winalis ng crew ang nagkalat na lupa at paso at ang munting bonsai.”Sir,gusto nyo bang ilipat ang halaman?”Lalo akong nayamot…una,hindi iyon halaman,bonsai yun!bonsai!!!!!pangalawa,ilipat saan?Sa palad ko?Ah alam ko na…sa ulo na lang ng kasama kong walang laman…”Tol,bayaran ko na lang sa susunod yung puno mo ng kamatis…gusto mo yung nagbubunga na eh!”Ngumiti na lang ako sabay kagat sa fried chicken na nooy nawala bigla ang lasa at linamnam.Iniisip ko na lang na iyon ay ang leeg ng kasama kong gusto kong patayin sa mga oras na iyon.At least,sa bandang huli,natutunan ko na marami pang tutubong bonsai pero bibihira ang maka kilala at magkaroon ng kaibigang tanga…tsk tsk…

WANTED:BONSAI,WORTH 300…TRUE MINIATURE OF A GROWN UP TREE,SWINGING LIVE MINIATURE MONKEY IS A PLUS!!!PLEASE REPLY IF YOU KNOW WHERE CAN I GET ONE…

Sayang,sana nakita ko na lang sya sa ibang pagkakataon…Sayang talaga!

Comments 10 Comments »

Alam kong tinatanong mo kung saan ako kumukuha ng kapal ng mukha para mag astang writter.Sige,papaliwanag ko kung bakit ko ito ginagawa pero liliwanagin ko na hindi ako WRITTER,hindi MANUNULAT,hindi MAKATA at higit sa lahat hindi iba sa karaniwan.Ako lang yung nakilala mong ako.Walang daya,walang panlilinlang.Ako lang talaga.

Inspirado lang ako ng mga bagay na nakikita ko sa paligid,mga bagay na nakikita mo rin.Hanga ako sa mga nagsusulat ng kanilang sariling blog,maraming marami na akong nabasang blog.At marahil dahil dun,narito na ako para mag sulat ng sarili kong blog(kahit hindi ko alam ang definition kung ano ba ‘tong BLOG!)astig ang tunog-BLOG!Para lang pintong isinarang bigla.BLOG!para lang batang tulog na nahulog sa higaan.BLOG!Para lang ulo kong iniumpog sa pader….

Kung writter ang gagawa ng BLOG,malamang,dadalhin ka nya sa lugar na hindi mo pa nakikita ni sa panaginip mo,pag iisipin ka nya ng mga bagay na hindi mo makukuhang pag isipan,mamamangha ka sa nakita nyang nakita mo rin sana kung naging writter kang katulad nya.May tapang ang bawat salita nya.May lakas at paninindigan sa bawat talatang kanyang tutuldukan.Paiibigin ka nya ng kanyang tula at pag aalabin ang damdamin mo ng bawat salitang kanyang bibitiwan.Yan ang WRITTER…malaya syang pinanganak para palayain ang kaisipan ng iba.Tapat ang bawat akdang sinusulat,nag iiwan ng pangangarap at pag asa sa puso ng mambabasa.Gumagawa sya ng awit na nagbibigay ngiti sa puso ng bawat isa.Dakila ang tunay na WRITTER.

Sa kabilang banda,eto naman ako.Inggitero kaya nag susulat.Walang eksaktong patutunguhan ang mga paksa.Laging may pag aalinlangan ang sinusulat,walang tapang para makialan o marahil ay sadyang walang paki alam.Nangangarap na magkaroon ng mambabasa at natatakot na mag karoon ng mambabasa.Pero sadyang matigas ang mukha at may lakas ng loob para ipagpatuloy ang kalokohang naiisipan.’Di ako writter at kailanman di magiging writter.Kulang ako sa kaisipan na magpapabago ng buhay ng iba sapagkat sablay din ang aking buhay.’Di perpekto na parang mga naiisipan kong isulat.

Alam kong marami rami na rin akong naging kaibigan sa Net at sa totoong buhay na nakilala at nawala at natagpuang muli dito sa friendster.Sila yung makakabasa nito kung saka sakali na maisipan nilang basahin ang mga pinagsususulat ko dito.Sila ang dahilan kaya ako nagsusulat.Baka mas makilala nila ako sa paraang ito.Baka mas tumaas nang bahagya ang pananaw nila sa kasalukuyan nilang pagkakakilala sa akin.Baka mas pumogi ako sa paningin nila.He he.Mga dating kamag aral sa highschool at college.Kapit bahay at kasamahan sa trabaho.Mga on-line friends na nakadaupang palad at di pa nakakadaupang palad.Mga iniibig at inibig ng lihim,at higit sa lahat,mga hindi ko kilala na dito ko lang nakilala sa BLOG.Salamat po.

Kung kulang man sa alat at tamis o anghang ang isinusulat ko,lagi naman itong mananatiling totoo o malapit sa katotohanan.Posibleng hindi sa katotohanan na inaasahan mo o sa katotohanang alam mong iba sa katotohanang alam ko.Sa ganung pangyayari,sorry po.Posibleng di tayo akma ng iniisip pero tignan mo na lang yung bagay  na nagkakatugma tayo.Kung sadyang nalabag ko ang pananaw mo,maari mo akong itama.’Di ako mapagmalaki at hindi sarado ang isip ko.Lagi akong may oras para mag aral mula sa buhay mula sa iba’t ibang taong mas naging dalubhasa sa bagay na kanilang pinag daanan.

Ngayon,alam mo na ang dahilan.Huwag kang magbabago.Magbasa ka pa rin at salamat kung itong BLOG ko ang iyong napili.Ayoko lang kasing titigan anglapis na may matulis na tasa,mahaba at may pamburang walang pingas.Mas gusto ko syang makitang maikli,pudpod ang tulis at halos maubos ang pambura.Doon ko lang makikita na sya ay sumubok,nagkamali,pinilit itama ang kanyang pagkakamali at nagkaroon ng saysay ang kanyang pagkalapis…

Image Hosted by ImageShack.us

Comments 7 Comments »

Image Hosted by ImageShack.us

Hilig ko rin ang gumuhit,para sa mga nakakakilala sa akin,mas mahusay daw ako sa paraang ito kaysa sa anupang talento na nagagawa kong pilit…nagsusulat ako ng mga lathalain noon sa pampaaralang peryodiko,nagawa ng komiks na may sariling bida at istorya,gumagawa ng tula,nag bubuo at nag didibuho ng kung anong bagay mula sa piraso ng bato o putik at nag gugupit ng kung ano anong retaso o papel at karton upang bigyang buhay sa piraso ng likhang sining na ako lang ang nakakaintindi…

Isa ito sa marami kong libangan na lagi kong  ginagawa.Siguro sadyang laki lang ako sa Batibot at mga Komiks kaya masyadong nahilig ako sa pag kukuwento,pagsasalaysay ng istorya at pag gawa ng mga bagay na pangbata.Yun kasi ang usong uso nung kamusmusan ko.

Eto yung panahon na ang mga bata ay marunong pang mag laro ng tumbang preso,syato,patintero at 5-10’s…taguan at kwentuhan ng nakakatakot kapag brown out,di pa uso ang PSP at playstation at sing mahal ng ataol ang family computer para maka paglaro ka ng super mario,contra,pacman at galaga…

Alam kong may bahagya akong talento sa pag guhit noon ng nag simula akong gumawa ng mga komiks kasama ang mga kaibigan ko’t kamag aral(Edcel…asan ka na kaibigan?)Grade 3 kami noon at sa ginupit na manila paper namin gagawin ang komiks na iipunin naman ng kaklase naming mayaman kapalit ng laruan na dadalin nya.(Siguro ipagmamalaki naman nya sa ibang kalaro niya sa kanila na sya ang gumawa nang komiks pag uwi nya…at malamang walang sasansala sa kanya kung bibigyan nya rin ng mga laruan ang mga papabilibin nyang kalaro…)At dito nagsisimula ang pulitika sa kamusmusan pero dahil hindi tungkol sa pulitika at panunuhol ang kwento ko,babalik na ako sa gusto kong iparating sa mga mambabasa…

Balik sa komiks…3rd year high school ako nang makilala ko si Jassean Bayben,sya naman ang naging partner ko sa pag gawa ng comics inspired ng xmen at marvel sa amerika.Di ko na matandaan ang pangalan ng super heroes group na ginawa namin pero iyon ay base sa grupo naming magkaka eskwela at magbabarkada at ang mga super villains naman ay ang mga kinaiinisan naming mga kaeskwela din at karibal na barkada.Dito naman nagsisimula ang partido ng politika pero again,di na naman iyan ang kwento ko…si Jeassen po ay walang iba kundi si Troll Warlord sa featured friends ko…(tol paki refresh mo naman yung tungkol dun sa comics na ginagawa natin nung third year…)

Nagpatuloy akong gumawa ng komiks sa Meralco Foundation pero this time,wala na akong mga talentadong ka partner dahil natuklasan ko na ang talent ng mga taga MFI ay pang seryosong talent tulad ng teatro,paintings,poetry,dancing,singing at may ilang walang talent maliban sa magbasa at mag solve ng derivative at limits at hanapin ang value ng X,Y at Z…

Sa URC,nagawa pa rin ako ng komiks pero may halong politika na ang tema kung kayat pinagbawalan ako ng boss ko na lumapit sa blangkong papel kung may hawak akong anumang maaaring ipang sulat…

At yan ang istorya ng aking pag guhit.Ito nga palang mga gawa ko ngayon ay ginawa ko sa paint sa PC gamit ang mouse button na natuklasan kong alternatibo sa lapis pentel ballpen uling dahon at kung ano ano pang pwedeng ipang guhit.

P.S.;minsan nahuli ako ng kasama ko na natuluan ko ng laway yung drawing ko dahil nakatulog ako sa pag iisip kung gaano kalaki ba dapat ang butas ng ilong ng drawing kong babae…pinuri niya ako at sinabing di nya akalain na kaya ko rin palang mag drawing gamit ang pumatak na laway sa bibig ko….

Comments 7 Comments »

Nakatayo,nakatanghod,nakatanga,nagmamasid,nakikiramdam at nagmumuni…wala akong iniwan sa karamihang tao sa paligid ko tuwing nag iisa at walang ginagawang importante.Witness lang sa paglipas ng oras na hindi ko napapansing gumagalaw maliban sa mga bahagyang pagtingin sa pambisig kong relos…

Sarado ang tindahan sa tapat ng bahay…pangalawang araw na itong sarado.Wala ang mag asawang may ari dahil ang dinig ko ay naaksidente sa motor at kasalukuyang nasa pagamutan at nagpapagaling.Naglalaro ang kanilang anak na sa tantya ko ay edad apat na taon.Hindi marahil alam ang nangyari sa kanyang magulang.Sana naman hindi grabe kasi mga kaibigan ko ang mag asawa.Lumingon sa akin ang bata sabay mostra sa eroplanong pinaglalaruan na pinaglalayag nya sa hangin habang hawak ng kamay.Nginitian ko sya at gumanti sya ng ngiti.Naisip ko na posibleng tinatanong rin nya sina tita at tito nya kung nasaan ang mama at papa nya.Na siguradong di bibigyan ng katotohanan na sagot dahil hindi pa rin naman nya maiintindihan ang nangyari…o kung sa akin,iiiwas ko sya pag aalala…gagawa ako ng kwentong di ikalulungkot ng bata nyang puso…

Mabilis ding gumalaw ang pila ng trycicle na walang pagod sa yao’t parito sa paghahatid ng mga pasaherong sasakay ng jeep sa labasan papunta sa kung saang pupuntahan.Ganito lagi pag umaga.Kailangang bitiwan ang almusal para isakay at ibyahe ang pasaherong nagmamadali lagi.Iwanan ang tasa ng kape na dun na rin hinihigop sa pila upang balikang malamig na o kung mas minamalas,hinigop na ng kasamahang di man lang naisipang umorder ng sariling tasa ng kape na serbisyong binebenta naman ng isa ko pang kapit bahay.

Nandoon sa gilid ng bahay ang nanay ko na abala sa kanyang daily routine,pagpapakain ng manok,pagdidilig ng halaman kung minsang naging madalang ang patak ng ulan,at pag hihiwa hiwalay ng mga dahong gulay na binili nya sa palengke para ipakain sa alagang hamster na tinamlayan ko nang alagaan kase namatay yung inahing babae pagkapanganak at ang natira ay dalawang lalaking hamster na anak at ang asawa nyang barakong hamster.Ngayong di na sila dadami,naisip kong pointless nang asikasuhin kaya nanay ko na ang nag aasikaso.

Sa sulok ay ang aso naming si Dao na ipinangalan namin sa sikat na miyembro ng F4 nung kasagsagan ng F4 fever.Mga anim na taon na siguro sya…pigtal ang isang pangil sa baba ng bibig,may record na puro talo sa labanan ng mga aso sa tapat ng bahay,malinis na record ng pangangagat na ikinatuwa ko.Asong walang tapang sa katawan,yan ang magandang description sa kanya.Kahit may pumasok na akyat bahay dito,siguradong di man lang mangingimi sa kanya kung kilala nila ang pagka aso nitong si Dao…paulit ulit lang itong magkakawag ng buntot,nganganga,mag iinat at bahagyang tatahol para lang siguro ipaalala sa akin na kahit papaano ay buhay syang aso.

Mga halamang alaga rin ng nanay ko,orchids na iba iba…at kung anong mga halamang di ko naman alam ang tawag dahil karamihan ay galing sa bundok at kagubatan ng Mauban,Quezon na laging pinupuri ng mga mahihilig din sa halaman na taga rito na alam kong ikinatutuwa ng nanay ko dahil sya lang yata ang may ganitong halaman sa lugar namin.Minsan ko na sa kanyang sinabing illegal ang pag ta-transfort ng flora ang faunas mula sa mga gubat.Wala kako syang permit sa DENR at kapag nahuli sya ay makukulong kaya tinigilan na nya ang pag kuha kapag nagpupunta sila dun sa kaingin ng tatay ko sa Mauban,he he!

Pag tapos ng sight seeing,papasok ako sa bahay,sisilipin ang anak kong natutulog,na parang laging sabik sa tulog,iniisip ko kung saan sya dinadala ng panaginip.Tanda ko nuon na kapag bata ka pa raw at walang sapat na isip,kalaro mo ang mga anghel sa pagtulog.Gusto ko nang maniwala dahil may mga pasingit singit na ngiti sa labi nya habang natutulog sya.Sana nga ganun ang lahat ng natutulog kahit hindi na bata.

Kaso ang katotohanan,kapag nag simula ka nang magkaroon ng sapat na isip,nililigalig ka sa pagtulog ng damdamin mo tungkol sa mga bagay bagay na kinatatakutan mo at ikinatutuwa.Yun daw ang paraan ng Diyos para suriin mo yung sarili mo at kausapin ka nya.Ewan ko kung kasama dun sa paraang yun yung wet dreams.Wha ha ha!!!Yun siguro ang dahilan kaya di ako nananaginip.Ayaw na ako kausapin ng Diyos mula nang tumigil ako sa paniniwalang may langit at impiyerno kapag namatay ka na naghihintay depende sa nagawa mo habang nabubuhay ka.Eto lagi ang topic minsan ng mga intellectuals kong workmates sa trabaho.Religion at langit at impiyerno at kaluluwa at paghuhukom at…lahat ito hindi ako intresado….

Papasok ako sa kwarto at bubuksan ang pc at mag susulat…

Sa obserbasyon ko,at pagtungin at pagsusuri,nagkakalakas ako ng loob mag bahagi ng kwento…

Sapat na itong dahilan para gumising sa umaga…maging sensitive ng konti sa paligid,makita ang paligid na ginagalawan.Ngumiti at sulyapan ang mga taong minamahal,at mangarap ng mas magandang bukas para sa kanila…

Comments 5 Comments »